Saturday, August 15, 2015

ANG WIKA

IBA'T IBANG DEPINISYON NG WIKA



Sa mga linggwista, mapapansing binibigyan nila ng pansin and depinisyon ng wika ayon sa estruktura nito. Dahil siyentipiko ang pag-aaral ng wika ayon sa kanila, hindi nalalayo ang pagtingin sa wika bilang isang masistemang balangkas na may sinusunod na hakbang o pamamaraan upang ito'y matutuhan at mapag-aralan.

Ayon kay Henry Allan Gleason, 'ang wika ay isang masistemang balangkas ng sinasalitang tunog na pinipili at isinasaayos sa paraang arbitraryo upang makamit sa komunikasyon ng mga taong nabibilang sa isang kultura.'

May pagkatulad dito ang pagpapakahulugan ni Caroll (1973) kung saan nabanggit niyang 'ang wika ay masistemang estruktura ng sinasalitang tunog at pagsasaayos nito sa paraang arbitraryo upang makamit sa interpersonal na pakikipagkomunikasyon at ang makabuluhang pagsasama-sama ng mga bagay, pangyayari at mga karanasan ng sangkatauhan.'


Sa mga sosyolinggwista, nakapokus ang pagbibigay nila ng depinisyon sa wika sa kaugnayan nito sa lipunan. Binibigyan diin nila ang pagbibigay ng katuturan sa kabuluhan ng wika sa panlipunang aspekto at ang paggamit ng tao ng wika bilang bahagi ng lipunan.

Ayon kay Basil Bernstein, ang wika bilang sistema ng mga tuntunin, ay nagrerepresenta ng mga code. Ang mga code na ginagamit ay naaayon sa kinabibilangan sa lipunan. Naniniwala siyang nagkakaiba ang ginagamit na wika dahil sa mga hadlang sa pagkakaiba sa antas ng mga taong nabibilang sa isang lipunan. Ang pampublikong wika o wikang pangmasa ay tinawag niyang "restricted code" dahil limitado lamang iito sa mga ekspresyong pangliggwistika. Tinawag niyang "elaborated code" ang pormal na wika o ang wikang ginagamit sa mga komplikado at ekspresyon ng organisasyong panlinggwistika. Dahil dito, ang iba't-ibang estilo sa pagsasalita at paggamit ng mga tao ng wika ay nagmula sa iba't-ibang pangkaugalian at panlipunang karanasan.

Isa rin si Benjamin Lee Whorf na nagbigay ng kahulugan sa wika. Aniya, 'ang wika ay binubuo ng mga payak na salitang nalilikha dahil sa pagtugon ng tao sa kaniyang kapaligiran. Ang kalikasan ng sistemang panlinggwistika ng bawat wika ay di lamang instrumento sa pagpapahayag ng saloobin at kaisipan kundi tagahubog din ng mga ideya na nagsisilbing gabay para sa mga gawaing pangkaisipan.' Dahil dito, nagkakaiba ang wikang nalilikha ng mga tao dahil sa iba't-ibang antas ng pagkalantad sa lipunan.

Sang-ayon naman kay Edward Sapir, 'ang wika ay pantao at likas ang paggamit ng tao sa wika. Ginagamit niya ang wika bilang kasangkapan sa sosyalisasyon na kung walang wika, walang iiral na relasyong sosyal. Gumagamit ang mga tao ng mga simbolismo upang makipag-ugnayan sa iba na nagbubunga ng pagkakaroon ng solidaridad at pagkakaisa ng mga tagapagsalita ng naturang wika.'


Sa mga transpormasyonal na pananaw, nanguna si Chomsky sa paniniwalang 'ang wika bilang isang sitema ay may kaugnayan sa kahulugan at kabuluhan'. Dagdag pa niya, ang wika ay isang penomenang mental kung saan ito ay likas sa tao at dahil sa kalikasan nito, may kakayahan siyang matuto ng wika.

Sa iba pang pananaw sa wika, ang wika ay isang paraan ng pananagisag o pagbibigay-kahulugan sa mga tunog sa tulong ng mga bahagi ng katawan sa pagsasalita upang makamit aang layuning makaunawa at maunawaan ng iba (Tumangan, 1997).



Sa pangkalahatan, anumang punto de vista ng mga dalubwika sa wika, may mga mahahalagang puntos na maaaring magkakatulad ang pananaw mula sa iba't-ibang depinisyon. Kasama rito ang:
  • Ang wika gamit sa pakikipagkomunikasyon
  • Ang wika ay pantao
  • Ang wika bilang naisasaayos na sinasalita o binibigkas na mga simbolo, ang mga simbolong ito ay may taglay na kahulugan
  • Masistema ang wika
  • Nabubuo o nagagamit ang wika sa isang lipuna o kultura.




No comments:

Post a Comment